Tuesday, February 2, 2010

ALBULARYO NG PAGBILAO: PAG-AARAL SA MGA TRADISYUNAL NA PANGGAGAMOT SA PAGBILAO, QUEZON

PAGLALAHAD NG SULIRARNIN

Panimula

Kaakibat na yata ng tao ang sakit sa pang-araw-araw na pamumuhay. Kahit anong pag-iwas man ang gawin ng tao ay hindi mawawala ang mga karamdaman sa ating paligid. Magmula pa man noong unang panahon, ang sakit ay bahagi na ng pamumuhay ng tao. Ang iba sa mga ito ay nagagamot subalit ang ilan naman ay tanging Poong Lumikha na lamang ang nakakaalam ng kagamutan. Subalit isa lamang ang malinaw, may iba't-ibang sanhi ang sakit na dumadapo sa katawan ng tao. Nariyan na ang dala ng pagod, maruming paligid, walang kontrol sa pagkain, hindi maususustansiyang pagkain, at ang iba pa nga ay sanhi ng hindi maipaliwanag na dahilan o mga sakit na dala ng mga nilalang na hindi nakikita ng ating mga mata.

Kaya naman bawat sakit na dumadapo sa bawat tao ay may kanya-kanyang pamamaraan ng panggagamot. May makabagong pamamaraan gamit ang siyensya at may tradisyunal din, gamit ang paniniwala o kapangyarihang ibinigay sa tao mula sa kalikasan o matinding pananampalataya.

Sa puntong ito, ang pag-aaral ng kasaysayang lokal ang nais ng may-akda na pagtuunan ng pansin upang bigyang importansya ang mga naganap o nagaganap na mga pangyayari sa labas ng Kamaynilaan. Kaya naman sa papel na ito, napili ng mananaliksik ang kanyang kinalakihang bayan sa Lalawigan ng Quezon bilang lugar kung saan gagawin ang pag-aaral, ang Bayan ng Pagbilao.

Upang maitaguyod ang kasaysayan at kulturang pumapaloob sa nasabing bayan binigyan pansin ng mananaliksik ang tradisyunal na pangggamot sa Bayan ng Pagbilao . Subalit sa puntong ito, ang mga kababaihan lamang na nagsasagawa ng ganitong pamamaraan ng panggagamot ang kanyang pagtutuunan ng pansin upang mabigyang pagkilala ang mga kababaihan na magsisilbi ring pagbibigay lakas sa kanilang lahi. Ang mga nasabing kababaihang ito ay nagtataguyod ng tradisyunal na pamamaraan ng panggagamot gamit ang kanilang sariling pamamaraan na sa kanilang pananaw at paniniwala ay nakatutulong ng malaki sa kanilang mga kababayan at sa mga taong naniniwala sa kanilang kakayahan.

Noong una pa man, malaki na ang naging gampanin ng mga kababaihan sa ating lipunan. Sa Pilipinas, naging kabahagi din ang mga kababaihan sa rebolusyon noong 1896 at maging sa kasalukuyan ay kalahok pa rin ang mga kababaihan sa rebolusyon ng CPP-NPA laban sa pamahalan. Dalawang beses nang nagkaroon ang Pilipinas ng babaeng pangulo sa katauhan nina Pres. Corazon C. Aquino at Pres. Gloria Macapagal-Arroyo. Patuloy ang paglakas ng kilusan ng mga kababaihan sa Pilipinas partikular ang GABRIELA na ngayon ay isa nang party-list.

Matatandaan din na may iba't-ibang tungkulin na rin ginampanan ang mga kababaihan sa larangan ng panggagamot sa katauhan ng mga babaylan. Ayon kay Carlos Villa ang babaylan ay tumutukoy sa isang katutubong Pilipinang manggagamot (karamihan ay mga kababaihan) at pinuno ng pamayanan na kinikilala ng mga kaibigan at pamilya na nagtataglay ng hindi pangkaraniwang kapangyarihan at may kakayahang makita ang mga mangyayari sa hinaharap (http://www.babaylan.net/ ).

Sa tradisyon ng mga Pilipino, isang taong may kakayahang gumamot ng kaluluwa at katawan ang mga babaylan; isang babaeng nagsisilbi sa pamayanan sa pamamagitan ng pagiging isang tagahilom ng mga mamamayanan, tagapagtago ng karunungan at bilang pilosopo; isang babaeng nagbibigay ng katatagan sa istrukturang pang-lipunan ng komunidad; isang babaeng maaaring pumasok sa mundo ng mga espiritu o iba pang katayuan ng diwa at maglabas-masok ng walang sagabal sa mga mundong ito; isang babaeng may malawak na kaalaman sa pagpapagaling mga sakit. Bilang karagdagan, isang taong namamagitan sa pamayanan at mga indibidwal ang babaylan at isa rin sa mga mismong nagsisilbi ( http://tl.wikipedia.org/wiki/Babaylan).

Nais din ng pag-aaral na ito na bigyang pansin ang mga tungkulin ng mga nasabing babaeng kilala sa tradisyunal na pamamaraan ng pangagagamot sa kanilang lipunang kinabibilangan.

Ilan sa mga tradisyunal na pamamaran ng panggagamot sa nasabing bayan ay ang mga sumusunod:


Pagsusuob
Hilot
Herbal (Pagbubuga sa mga Kulebra at Balis)
Gamot sa kagat o tuklaw ng ahas
Gagamot sa laso o ugam


Layunin ng Pag-aaral

Tunay na mayaman ang bansang Pilipinas sa likas na yaman, tradisyon at kultura. Sa walumpo't dalawang pronbinsya na bumubuo rito hindi maikakaila na bawat isa ay may kanya-kanyang tradisyon, paniniwala at kulturang pinaniniwalaan at kinagisnan. May kanya-kanyang oryenstasyon sa bawat bagay kung minsan pa nga'y nagkakatulad. Kung saan, ito ay itinuring ng bawat miyembro ng mga nasabing lugar na mahalaga sa kanilang pamayanan sapagkat ito'y maituturing na kayaman. Sa iba pa nga, ito ay isang sagradong bagay na dapat bigyang respeto at pagkilala. Kaya naman sa puntong ito, kabilang sa mga layunin ng pag-aaral na ito ang mga sumusunod:

1.Itaguyod ang kulturang mayroon ang Bayan ng Pagbilao;
2.Tuklasin ang mga tradisyunal na pamamaraan ng pangggamot sa Bayan ng Pagbilao;
3.Maitaguyod ang folk medicine na isinasagawa ng mga ilang kababaihan ng Pagbilao na magsisilbing alternatibong medisina;
4.Bigyang pagkilala ang mga ordinaryong kababaihan ng Pagbilao na nagsasagawa ng ganitong tungkulin na layong makatulong sa kanyang mga kababayan;
5.Mapukaw ang mamamayan ng Pagbilao sa kultura ng tradisyunal na panggagamot sa kanilang bayan;
6.Malaman kung bakit may mga Pilipino na naniniwala sa tradisyunal na pamamaraan ng panggagamot.


Kahalagahan ng Pag-aaral

Sadyang mahalaga ang kultura sa isang bayan. Ito ay nagsisilbing identidad o pagkakakilanlan ng mga mamamayan sa isang lugar. Kultura marahil ay isang yaman ng isang pamayanan at ugat ng pag-unlad ng isang lipunan.

Ayon sa librong (Sociology, Culture and Family Planning, 2007) ang kultura ay pamamaraan kung paano mabuhay o mamuhay ang bawat tao sa isang lipunan. Kung saan, bawat lipunan ay may kanya-kanyang kulturang humuhubog at nagbibigay ng impluwensya sa katauhan ng bawat mamamayan nito at mismong lipunang kanyang kinabibilangan. Ito rin ang nagbibigay at nagtuturo sa mamamayan kung paano mamuhay sa isang lipunan. Subalit ang kultura ay maaari ring magbago sa pagdaan ng panahon. Kaya naman mahalagang maitala o maisatitik kung ano ang mayroon tayo dati at sa kasalukuyan.

Kaya naman narito ang ilan sa mga kahalagahan ng pag-aaral na ito:

(1)Tiyak na makapagdaragdag ng mga kaalaman sa kulturang Pilipino at kasaysayang lokal;
(2)Iminumulat ng pag-aaral na ito ang mga Pilipino partikular na ang mga Pagbilawin na ang kanilang bayan ay may sariling sining ng panggagamot (art of healing);
(3)Ito ay magbibigay ng pagkilala sa mga tungkulin nagawa at tulong na naibigay ng mga kababaihang manggagamot para sa ikagagaling ng kanilang mga kababayan o mga taong naniniwala sa kanilang angking kakayahan at pananampalataya;
(4)Ang pag-aaral na ito ay magsisilbing gabay sa susunod na henerasyon ng mga mag-aaral ng lokal na kasaysayan partikular sa folk medicine;
(5)Mabibigyan ng dagdag na kaalaman ang mga kabataan tungkol sa kultura ng tradisyunal na panggagamot partikular na sa bayan ng Pagbilao;
(6)Mahalaga ito sapagkat binigyang pagkilala ng pag-aaral na ito ang isa sa mga kulturang Pilipino.


Sakop at Limitasyon ng Pag-aaral

Nakapokus lamang ang pag-aaral na ito sa Pagbilao, Quezon kung saan nanggaling ang mga kalahok sa pag-aaral. Ang mga ito ay pawang nakatira sa nasabing bayan na siyang nagsasagawa ng tradisyunal na pamamaraan ng panggagamot gaya ng pagsusuob, herbal (pagbubuga sa kulebra) hilot, gamot sa kagat/tuklaw ng ahas at panggagamot sa laso o ugam. Ang mga nasabing kalahok ay dapat may dalawampu't limang (25) taon ng nanggagamot. Ang mga ganitong limitasyon, ay isang pamamaraan upang maipabatid na ang mga kalahok ay may sapat na karanasan na sa folk medicine.



METODOLOHIYA NG PAG-AARAL

Paraan ng Pagkalap ng Datos

Ang isang pananaliksik o pag-aaral ay magiging matagumpay kung mahusay ang pamamaraan sa pagkalap ng mga datos o impormasyon upang magkaroon ng kalinawan ang isang isinasagawang pananaliksik. Mahalagang malaman sa isang pananaliksik ang kaakmaan ng tamang pamamaraan sa pagkuha ng impormasyon. Bilang isang mahusay na mananaliksik dapat nating alamin ang tama at nararapat na pamamaraan upang makakuha ng isang makabuluhang impormasyon.

Desinyo ng Pananaliksik

Sapagkat ito ay pag-aaral ng kasaysayan, historikal na metodo ang ginamit ng may-akda para sa pag-aaral na ito. Ayon sa (Practical Guide to Thesis and Dissertation Writing, 1996) ang historikal pananaliksik ay isang kapaki-pakinabang na disenyo ng pananaliksik kung saan kinapapalooban ng kritikal na pagsulat ng mga nakaraang karanasan, pangyayari, at pagbabago upang magsilbing pundasyon ng kaalaman para sa kasalukuyan at hinaharap.

Samantala, binigyang kahulugan naman ni Kerlinger, 1986 ang historikal na pananaliksik bilang isang kritikal na imbestigasyon ng nakaraang karanasan at pangyayari. Tumutukoy din ito bilang isang pagsusuri kung katanggap-tanggap nga ba ang pinanggalingan ng ebidensya ng nakaraan, gayundin ang pagbibigay ng interpretasyon sa mga ebidensya.

Instrumentasyon sa Pananaliksik

Upang ang pag-aaral ay maging mahusay kailangan ang mahusay na instrumento sa pagkuha ng datos o impormasyon. Ang isang mahusay na instrumento para sa isang pag-aaral ay taglay ang mga sumusunod na katangian:

Dapat may bisa o pinagsasaligan o mapagkakatiwalaan o may panghahawakan;
Dapat angkop sa isinasagawang pag-aaral;
Dapat malaya sa anumang uri ng pandaraya;
Dapat mayroong malinaw na patutunguhan para sa ikakatagumpay ng pag-aaral.

Sa pag-aaral na ito ang pakikipanayam bilang instrumento sa pananaliksik ang napili ng mananaliksik na tumpak sa hinihingi ng pag-aaral. Ayon sa (Research Method, 2000) tumutukoy ang pakikipanayam (interview) bilang isang metodo upang makakuha ng sapat na datos o impormasyon sa pamamagitan ng direktang interaksyon sa pagitan ng mananaliksik at kalahok gamit ang verbal na pamamaraan. Samantala, binigyang kahulugan naman sa librong (Practical Guide to Thesis and Dissertation Writing, 1996) ang pakikipanayam bilang isang face to face verbal interaction sa pagitan ng mananaliksik at kalahok kung saan itinuturing na isa sa mabisang pamamaran sa pagkalap ng datos.

Bilang gabay, ang mananaliksik ay gumamit ng interview guide upang maging makabuluhan ang pagtatanong at hindi magkaroon ng kalituhan. Ito ay isang uri ng paghahanda. Ayon sa (Research Method, 2000) ang interview guide ay isang listahan ng mga tanong na ginawa mismo ng mananaliksik kung saan nakabase ang mga tanong sa layunin ng pag-aaral.

Upang matiyak na makuha ang mga tamang datos o impormasyon, gumamit din ang mananaliksik ng mga materyales na elektroniko gaya ng “tape recorder” o isang “video” at di-elektroniko kagamitan gaya ng papel at “ballpen” para sa tinatawag na “note taking”. Ang ganitong kahandaan ay naging mabisa para sa isinagawang pag-aaral.

Mula ispesipiko hanggang pangkalahatan ang pagkakahanay ng mga tanong na nakasulat sa “interview guide”. Binigyang prayoridad ang mga tanong na magbibigay ng malaking kontribusyon sa pag-aaral.


Kalahok sa Pananaliksik

Gamit ang “purposive sampling technique” pumili ang mananaliksik ng apat na kalahok. Ang mga partisipante sa pag-aaral na ito ay ang mga may sapat na kaalaman para sa nasabing pag-aaral.

Ang mga nasabing kalahok ay dapat taglay ang mga sumusunod na katangian:
May dalawampu't limang taon ng nanggagamot gamit ang tradisyunal na pamamaraan;
May edad 50 hanggang 85;
Naninirahan mismo sa Bayan ng Pagbilao habang kasalukuyang ginawa ang pag-aaral;
Nasa malinaw na pag-iisip.



Ayon sa (Jose F. Calderon, Methods of Research and Thesis Writing, 1993). ang “purposive sampling technique” ay tumutukoy sa pagkilala ng mga target na kalahok para sa pag-aaral. Sa ganitong uri ng “sampling” ang mga kalahok ay pinili sa pamamagitan ng kanilang kaalaman hinggil sa isang paksa. Halimbawa, kung ang isang pag-aaral ay tumutukoy sa kultura at kasaysayan, makabubuti na ang mga kalahok dito ay iyong mga eksperto sa nasabing larangan o may sapat na kaalaman sa paksa ng pag-aaral.

Kaya naman narito ang ilan sa mga naging kalahok sa pag-aaral:


Gng. Angela Rivarez-Lustado
Gng. Basilisa Porta
Gng. Rosing Orinday
Gng. Veronica Sacay



Lokasyon ng Pag-aaral

Ang Bayan ng Pagbilao ay matatagpuan sa Lalawigan ng Quezon. Ito'y may apat hanggang limang oras ang byahe mula sa Maynila na kabisera ng Pilipinas. Matatagpuan sa hilagang baybayin ng Tayabas Bay at silangang bahagi ng Lungsod ng Lucena na siyang kabisera ng Lalawigan ng Quezon. Masasabing simple ang pamumuhay nang karamihan sa mga taga-rito subalit hindi na naman nalalayo sa makabagong mundo sapagkat mayroon na ditong internet at telephone koneksyon. Sa katunayan ito ay isa sa mga “first class municipality” sa nasabing lalawigan. Bilang isang agrikulturang bayan puspusan ang mga kawani ng munisipalidad sa pagpapa-unlad ng nasabing kabuhayan.

Subalit bukas din ang lokal na pamahalaan para sa mga iba pang industriya tungo sa kaunlaran ng bayan at matatag na kabuhayan. Bilang patunay, ang isa sa pinakamalaking “power plant stations” sa bansa ay matatagpuan sa Pagbilao, ang Team Energy. Ito ay parte nang programa ng Kagawaran ng Turismo ng Pilipinas, ang “Tourism Highway”. Dagdag pa nito, mayaman din ang bayan na ito sa likas na yaman. Nariyan na ang pinagmamalaking mangroves/bakawan ng nasabing bayan kung saan itinalaga bilang Pagbilao Mangroves Experimental Forest sa pamamamgitan ng Administrative Order bilang 7 (1975) ng Bureau of Forest Development (http://www.waypoints.ph/detail_gen.php?wpt=pagmef).


Kasaysayan ng Bayan ng Pagbilao

Taong 1685 dumating ang mga paring Pransiskanong sa Binahaan, na ngayon ay isang barangay ng Pagbilao. Ito ay isang maliit na pamayanan noon kung saan nagsimula ang Kristiyano sa bayan ng Pagbilao. Unang ginanap ang pagmimisa ng mga Paring Pransiskano sa bayan ng Pagbilao sa maliit na kubol sa sitio ng Daungan-Pari noong nang nasabi ring taon (Liberio K. Cortez at Pablito M. Glodoviza, 2003).

Isang araw makalipas ang ilang buwan nang dumating ang mga Pransiskano, isang pari ang naglakas-loob na mamangka sa kalooban ng pampang at nagtanong sa mag-asawang tibig at katigbi kung ano ang pangalan ng ilog na kanyang pinamangkaan (Liberio K. Cortez at Pablito M. Glodoviza, 2003).

Pari: Que es el nombre de este rio? (Ano ang pangalang ng ilog na ito?)

Sa pag-aakalang ang tinatanong ng pari ay kung ano ang kanilang pinagkakaabalahan, sumagot ang mag-asawang tibig at katigbi nang papag at bilao. Matapos iyon paulit-ulit na inusal ng pari ang ang salitang “papag” at “bilao” upang hindi niya makalimutan ang akala niyang pangalan ng Ilog Tambak.

Pari: Papag, Bilao, Papag, Bilao, Pppag, Bilao, Pppbilao, Pagbilao, Pagbilao!
Nang bumalik ang pari sa kanilang tirahan sa Daungang-Pari ibinalita niya sa kasamahan ang tungkol sa isang magandang ilog na ang tawag ay “Pagbilao” ayon sa kanyang pag-aakala at pagkakatanda sa pangalan ng ilog (Liberio K. Cortez at Pablito M. Glodoviza, 2003).


Barangays

Ang bayan ng Pagbilao ay binubuo ng dalawampu't pitong barangay. Dalapo't isa rito ay mga rural at anim dito ay itinuturing na poblacion *.

Brgy. Alupaye
Brgy. Ibabang Bagumbungan
Brgy. Mayhay
Brgy. Añato
Brgy. Ibabang Palsabangon
Brgy. Daungan *
Brgy. Antipolo
Brgy. Ibabang Polo
Brgy. Parang *
Brgy. Bantigue
Brgy. Ikirin
Brgy. Pinagbayanan
Brgy. Bigo
Brgy. Ilayang Bagumbungan
Brgy. Santa Catalina *
Brgy. Binahaan
Brgy. Ilayang Palsabangon
Brgy. Silangan Malikboy
Brgy. Bukal
Brgy. Ilayang Polo
Brgy. Tambak *
Brgy. Castillo *
Brgy. Kanlurang Malicboy
Brgy. Talipan
Brgy. Del Carmen *
Brgy. Mapagong
Brgy. Tukalan


Mamamayan, Relihiyon at Wika

“Pagbilawin” ang tawag sa mga mamamayan ng Pagbilao. Ang Tagalog ang pangunahing lenggwahe. Ayon sa sensos noong taong 2007, ito ay may populasyon na 62,561 katao. Maraming Katoliko sa bayang ito subalit mayroon din namang ibang relihiyon gaya ng Iglesia ni Kristo, Dating Daan, Saksi ni Jehovah at ilang Islam.

Kalimitan, pagsasaka ang trabaho ng mga tao rito partikular na ang mga nasa linang (bukid). Ang iba naman ay mga nagtitinda sa palengke, nag-oopisina, o hindi kaya ay lumuluwas ng Maynila upang doon magtrabaho. Masasabing ang kultura at tradisyon ay buhay na buhay pa sa bayang ito, gaya ng Pabasa sa panahon ng kwaresma, Sta. Crusan, Flores de Mayo, Pagprusisyon tuwing Mahal na Araw, Kapistahan ni San Isidro Labrador, Pistang Bayan na ipinadiriwang tuwing ika-25 ng Nobyembre at iba pa. Gayundin ang tradisyonal na pamamaraan ng paggagamot ang kagat ng aso, tuklaw ng ahas, kulam, barang, hilot at pagsusuob.


PAGLALAHAD NG PAG-AARAL

Mga Albularyo/a ng Pagbilao


Basilisa “Balising” Porta

Dating naninirahan sa Brgy. Alupaye-isang linang sa Bayan ng Pagbilao si Aling Basiling (82 taong gulang) bago makilala bilang isang mahusay na tagapagtaguyod ng tradisyunal na pamamaraan ng panggagamot sa Brgy. Castillo. Isinilang noong Abril 27, 1927. Isang babaeng nagsasagawa ng tradisyunal na pamamaraan ng panggagamot. Nag-asawa sa edad na labing-siyam na taong gulang.

Ang pagsusuob at pagbubuga ang kanyang espesyalisasyon sa pagsasagawa ng tradisyunal na pamamaraan ng panggagamot. Ayon sa kanya ang ganitong kaalaman ay nakuha lamang niya sa pamamagitan ng “oral tradition” kung saan isinalin ng kanyang namayapang amang si G. Catalino Porta noong siya ay dalawampo't isang taong gulang pa lamang.

Dahil sa kawalan ng doktor sa kanilang dating lugar hindi nagdalawang-isip si Aling Basiling na manahin ang ganitong uri ng kaalaman mula sa ama.

Sa mga panggagamot na kanyang isinasagawa hindi nawawala ang mga dasal na dapat banggitin kung nagsasagawa ng panggagamot. Ito ay siyang pinakamabisa upang maalis at mapagaling ang may karamdaman.


Angela Rivarez

Si Aling Angela Rivarez ay kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Mapagong, Pagbilao, Quezon kasama ang kanyang mga anak at apo. Byuda sa loob ng labingsiyam na taon. Ipinanganak noong May 31, 1934 sa bayan din ng Pagbilao. Biniyayaan ng apat na anak.

Tatlumpo't dalawang taong gulang siya ng malaman niya ang paghihilot bilang tradisyunal na pamamaraan ng panggagamot. Ayon sa kanya may 43 taon na siyang nagsasagawa ng ganitong kaalaman sa Bayan ng Pagbilao kung saan minana pa niya ito sa sa kanyang amang si G. Simon Rivarez at kapatid na si Florencia Rivarez.

Nilinaw niya na ang bawat panggagamot na kanyang isinasagawa ay kailangan ng matinding pananampalatay mula sa Maykapal upang magkaroon ito ng bisa at mapagaling ang isang may karamdaman. Mahalaga kasi ang paniniwala at pananampalataya sa Poong Lumikha.


Veronica “Vering” Sacay

Si Aling Vering o Veronica Sacay kanyang tunay na pangalan ay kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Alupaye, Pagbilao, Quezon. Marami siyang alam na pamamaraan ng panggagamot gaya ng hilot, gamot sa kagat ng ahas, bintusa at maging ang herbal na pamamaraan. Ang mga ito ay pawang itinuturing bilang folk medicine.

Isinilang taong 1959. Ikinasal kay G. Jesus Sacay na isa ring manggagamot ng kagat ng ahas sa edad na dalawampu. Kung saan doon niya nakuha ang aking kakayahan upang makapagpagaling ng mga taong nabiktima ng kagat ng ahas na hindi kayang gumastos ng salapi sa mga ospital. Ayon sa kanya, ang pagkakaroon ng ganitong kaalaman nilang mag-asawa ay may dala ring panganib sa kanilang pamilya sapagkat ayon sa kanya sa tuwing may napapagaling siya/sila ay ang pagkamatay naman ng kanilang sariling anak ang nagiging kapalit nito na mahirap para sa kanila subalit tinatanggap nila ng buong puso para lamang makatulong sa mga nangangailangan.

Inamin niyang masakit ito para sa isang magulang subalit iyon ay dala ng tungkuling hindi naman nila pwedeng tanggihan ng basta-basta na lamang. Ito ay isang sakripisyo para sa kanya. Tulad nila Aling Basiling at Aling Angela, hindi mawawala kay Aling Vering ang kapangyarihan ng orasyon sapagkat ayon sa kanya ang kanyang kagalingan sa ganitong larangan ay bunga pananampalataya at malalim na paniniwala sa Poong Lumikha sapagkat lahat naman tayo ay pagmamay-ari Niya.


Rosing Orinday

Isinilang noong ika-1 ng Marso taong 1928 at lumaki sa Bayan ng Gumaca ngayon ay isang siyudad na. Nang mag-asawa ay napilitang manirahan sa Pagbilao, Quezon. Ayon sa kanya animnapu't isang taon na siyang nagsasagawa ng tradisyunal na panggagamot partikular na ang panggagamot sa mga taong may laso at ugam. Ang ganito uri ng panggagamot ay kanyang namana sa kanyang ama na isa ring manggagamot sa Bayan ng Gumaca noong panahong iyon. Biniyayaan ng Maykapal ng labintatlong anak kung saan labing-dalawa rito ay may-asawa na. Tulad ng mga nabanggit ng iba, ang ganitong pamamaraan ng panggagamot ay bulong o lihim na dasal na kanyang isinasagawa upang maging mabisa ang gamutan.
Bukod sa panggagamot siya rin ay aktibong miyembro ng mga senior citizens sa Pagbilao, Quezon.


Iba't-ibang mga Pamamaraan ng Tradisyunal na Panggagamot na Matatagpuan sa Pagbilao

Ang mga nasabing nagsasagawa ng mga ganitong uri ng panggagamot sa Bayan ng Pagbilao ay iba't-ibang klase depende sa kanilang kakayahan at espesyalisasyon kung saan ang bawat isa ay masasabing may kanya-kanyang pamamaraan ng pagsasagawa nito. Sa pag-aaral na ito, limang uri ng “folk medicine” ang natuklasan ng mananaliksik na maaring matagpuan sa Pagbilao, Quezon.


Pagsusuob

Ito ay isang uri ng panggagamot na matatagpuan rin sa Pagbilao, Quezon. Ayon kay Aling Basiling, ang eksperto sa ganitong larangan, ang pagsusuob ay isang tradisyunal na pamamaraan ng panggagamot na kanyang namana pa sa kanyang ama. Ito ay isinasagawa gamit ang iba't-ibang bagay na pinaniniwalang makapagpapagaling sa may karamdaman gaya ng sumusunod:


Tawas
Insenso
Bindita
Kamangyan

Para kay Aling Basiling ang mga kagamitang ito ay nakapagpapaalis ng karamdamang dulot ng masasamang ispiritu sapagkat taglay nito ang bango at basbas ng simbahan.

Dagdag pa niya, ang pagsusuob ay pamamaraan upang maalis ang masasamang ispiritu, lamang lupa at kung anumang hayop na sumanib sa katawan ng tao na pinaniniwalaang nakapagdulot ng sakit sa taong may karamdaman. Sa pamamagitan ng ganitong pamamaraan, naalis ang mga naturang sanhi ng karamdaman dahil sa mga kagamitang ginamit, lihim na dasal o bulong at matinding paniniwala sa May Kapal.

Ayon sa kanya maraming mga mamamayan ng Pagbilao ang nagtungo sa kanya upang sumangguni tungkol sa mga nararamdamang karamdaman/sakit. Isa na ang inyong lingkod. Base sa kanyang salaysay, marami ang naniniwala sa kanya sapagkat marami rin naman siyang napapagaling.


Pamamaraan

1.Magpabaga ng uling para sa paglalagyan ng bindita, tawas, kamangyan at insenso.
2.Pagsama-samahin ang insenso, tawas at kamangyan. Dikdikin ang mga ito.
3.Ilagay ang mga dinikdik na insenso, tawas at kamangyaan kasama ang bindita sa nagbabagang uling.
4.Matapos ito, palihim na bumulong ng dasal. (Isang panalanging babangitin sa salitang Latin, Creleson, esteleson creleson)
5.Kaagad pausukan ang taong pinaniniwalaang may karamdamang sanhi ng lamang lupa o masasamang ispiritu.
6.Matapos ito, makikita mo ang nabuong porma mula sa pinagsama-samang tawas, kamangyan, bindita at insenso. Pinaniniwalaan na ang anumang nabuong porma ay siyang nakagalaw sa biktima (Hal. ibon, tikbalang, palaka, kulisap at iba pa) na siyang nagdulot ng masamang pakiramdam.
7.Kunin ang nabuong porma mula sa nagbabagang uling. Palamigin ito at durugin.
8.Matapos durugin, i-krus ito sa iba't-ibang parte ng katawan ng taong may karamdaman, gaya ng noo, ibabaw ng kamay/palad at ibabaw ng paa habng ibinubulong ang lihim na bulong na “Matunaw, Mawala”.

Tandaan, matapos magsuob kailangang magdasal ng isang mangsusuob sa gabi bago matulog upang hindi ito madaig ng mga masasamang ispiritong kanyang napaalis sa naging biktima. Narito ang mga dasal na kanyang binabanggit gabi-gabi matapos ang pagsusuob:

Pagsisisi
Aba Po
Gloria Patre
Orapornobe
Bendito Alabado at Ama Namin

Dapat huwag na huwag itong kakalimutan upangmaiwasan ang posibleng paglipat nito sa kanyang katawan.


Paggagamot sa Laso/Ugam

Isa pa sa hindi pangkaraniwang tradisyunal na pamamaraan ng panggagamot na isinasagawa sa Pagbilao, Quezon ay ang panggagamot sa laso at ugam ng bata. Ayon kay Aling Rosing ang ganitong uri ng panggagamot ay matagal ng nagsimula. Sa katunayan ito ay kanya pang namana sa kanyang ama.

Ayon sa kanya ang laso/ugam ay iyong mga nakikitang puti sa labi ng bata/matanda na may dalang sakit na maaring makapagpawalang gana sa pagkain. Hindi naman daw ito sanhi ng mga ispirito o lamang lupa. Ito ay maaaring dala ng init ng katawan. Ilan sa kanyang mga kagamita ay ang, telang puti, halamang gamot na hindi niya matandaan ang pangalan at ang bulong o lihim na dasal na binabanggit sa salitang Latin. Pinaniniwalaan niyang ang bulong na ito ay mabisang nakapagpapabilis sa paggaling.

Pamamaraan

1.Kumuha at gumupit ng telang puti.
2.Matapos ito, ibuhol ng tatlong beses ang halamang gamot sa loob ng tela at kaagad itali o ibigkis sa leeg ng taong may laso at ugam kasabay ng pagbanggit sa lihim na orasyon o bulong.

Tandaan na ipinagbabawal na maligo ang taong sumailalim sa ganitong uri ng panggagamot sa loob ng dalawang araw upang maging epektibo ang gamutan. Subalit kung may mga natira pang laso at ugam sa bibig ng pasyente ay maaring bumalik ito sa manggagamot.

Base sa kanyang salaysay, dinarayo pa siya ng mga taong nagpapagamot sa kanya na nagmumula pa sa iba't-ibang barangay sa Pagbilao o sa mga katabing bayan. Marami na rin siyang napagaling base sa kanyang mga karanasan sa panggagamot. Ang iba pa ngan pasyente ay nagbibigay ng konteng donasyon o pampalubag loob sa kanya na buong puso naman niyang tinatanggap.


Panggagamot sa Tuklaw ng Ahas

Isa na siguro sa maipagmamalaki ng Bayan ng Pagbilao ay ang pagkakaroon nito ng albularyo na marunong manggamot sa tuklaw ng makakamandag na ahas na kinakailangan agad ng karampatang lunas upang maisalba ang buhay ng biktima. Ayon kay Aling Veronica Sacay ang ganitong panggagamot ay hindi biro. Kailangan ng masusing pag-iisip at seryoso sa ginagawa.

Base sa panayam, halos lahat ng ahas ay makamandag maliban na lamang sa sawa. Ang ganitong alam ay kanyang natutunan pa sa kanya mismong namatay na asawa na datihan din nagsasagawa ng ganitong panggagamot. Sa katunayan, Biyernes Santo ng malaman niya ang ganitong klaseng panggagamot. Sa pamamagitan ng pagmamasid-masid nalaman niya ang ganitong pamamaraan ng panggagamot.

Upang maisagawa ang ganitong pamamaraan ng panggagamot kailangan taglay din ng manggagamot ang pananampalataya sa Diyos. Kailangan ang matinding paniniwala. Paniniwalang kanyang pinaniniwalang mabuting gabay para sa kagalingan ng biktima. Kaya sa kanyang panggagamot, hindi mawawala ang lihim na bulong o dasal na nakasulat sa salitang Latin.

Narito ang ilan sa mga Kagamitan sa Panggagamot sa Tuklaw/Kagat ng Ahas

Mantika
Blade o labaha
Telang panali

Pamamaraan

1.Painumin agad ng mantika o langis at talian ang parte ng katawan ng taong natuklaw o nakagat ng ahas upang hindi kumalat ang kamandag.
2.Hiwain ng bahagya ang parte ng katawan ng taong natuklaw o nakagat ng ahas. (Iwasan na mahiwa ang mga litid). Paduguing mabuti hanggang maging pulang-pula ito.
3.Pakainin ng halamang damo ( dahon ng malunggay) ang biktima ng kagat o tuklaw ng ahas at painumin ang katas nito. Samantalang ang dahon nito ay dapat itapal sa kagat o tuklaw ng ahas. Talian muli gamit ang tela. Ayon kay Aling Vering ito ay sobrang sakit sapagkat taglay nito ang pait ng katas.
4.Bulungan ng lihim na dasal na nakasulat sa salitang Latin na magsisilbing pampagising sa malay ng biktima sapagkat kalimitan sa mga biktima nito ay nakakatulog.
5.Tandaan na kapag nakatulog ang biktima, kailangang gumawa ng salab. Ang salab ay isang uri ng ritwal kung saan pinalilibutan ng apoy ang paligid ng biktima.

Upang maging matagumpay ang panggagamot, binanggit ni Aling Vering na dapat ang manggagamot at biktima ay marunong manampalataya sa Poong Lumikha sapagkat lahat naman ay utang natin ang ating buhay sa Diyos.

Hilot

Marahil halos lahat naman ng Lalawigan at mga bayan sa ating bansa ay may kanya-kanyang pamamaraan ng paghihilot. Sa katunayan nga, ang paghihilot ay isa na rin sa mga serbisyong makikita sa mga naglalakihang mall sa bansa. Ayon sa ( http://interfused-inc.com/clients/garimot/system/hilot-intro.htm) ang hilot ay isang sining ng panggagamot at itinuturing na pinakamatandang arte sa tradisyunal na pamamaraan ng panggagamot. Dahil nga ang ganitong pamamaraan ng panggagamot ay isang sekreto lamang, madalas sa mga kamag-anak lamang ng taong marunong magsagawa nito ito ipinamamana.

Sa Pagbilao, Quezon ito ay isa sa pinakamabisang
pamamaraan ng panggagamot. Kung ang isang pasyente ay nais makaramdam ng kaginhawahan
sa katawan dala ng maghapong pagod, kaagad sumasangguni ang mga ito sa “manghihilot”.
Ilan sa mga pinapaniwalaang pinagagaling ng hilot ay ang mga sakit gaya ng lamig sa katawan, lagnat, bali o pita.

Isa si Aling Angela ng Pagbilao, Quezon sa mga kilalang nagsasagawa ng ganitong uri ng panggagamot. Ilan sa kanyang mga kagamitan ay ang binditadong langis o langis na nagmula pa sa Bayan ng Pakil, Laguna at papel.

Ayon sa kanya, nalalaman niya ang parte ng katawang masakit sa pamamagitan ng papel na inilalagay niya sa iba't-ibang bahagi ng katawan. Kapag ang papel na may langis Pakil at hindi maalis, tiyak naroroon ang sakit na dapat hilutin o hagurin. Tandaan na habang isinasagawa ang hilot, binanggit ni Aling Angela na ito ay may bulong o lihim na dasal an nakasulat sa wikang Latin.

Matapos ang hilot ay mahigpit na ipinagbabawal na huwag munang maligo ang isang taong sumailaim sa ganitong panggagamot upang maiwasan ang pagpasok muli ng lamig sa katawan.

Tulad ng mga nabanggit ng ibang albularyo ng Pagbilao, Quezon dapat taglayin ng isang manggagamot ang wagas na pananampalataya sa Poong Lumikha ng sa ganoon ay maging matagumpay ang gamutan. Ang gamutang walang pananampalataya sa itaas ay hindi magiging mabisa.

Subalit tulad ng iba, tumatanggap din naman ng karampatang bayad si Aling Angela para sa serbisyong kanyang ibinigay. Hindi naman ito sapilitan.


Herbal

Ang herbal medicine na yata ang pinakapalasak na uri ng panggagamot sa ating bansa. Ang isang herbalist ay gumagamit ng mga iba't-ibang uri ng halamang gamot na nakapagpapagaling sa taong may karamdaman. Ayon sa http://www.philippineherbalmedicine.org/) ang herbal medicine ay isang pamamaran ng panggagamot na gingamitan ng mga natural herbs upang gamutin o maiwasan ang isang karamdaman. Gayundin upang maitaguyod ang malusog na pangangatawan.

Mapalad yata talaga ang mga Pilipino sa pagkakaroon ng iba't-ibang uri ng halamang gamot na isang praktikal na uri ng gamitin sapagkat ito ay matipid at maaring matagpuan sa kapaligiran. Tunay na biyaya mula sa Poong Lumikha.

Bukod sa pagsusuob, si Aling Basiling nagsasagawa rin ng panggagamot gamit ang mga halamang gamot.

Isa sa mga madals gamutin ni Aling Balising gamit ang mga halamang gamot ay ang pagbubuga sa kulebra o mga tumutubo sa balat ng pasyente. Ayon sa kanya, sa ganitong sitwasyon, mabisa ang luyang dilaw, ikmo at apog upang mapagaling ang ganitong sakit. Kailangang ihalo sa tubig ang tatlong nabanggit upang magsilbing gamot. Matapos ito, ipahid at i-krus sa sugat habang binubulong ang mga katagang “Matunaw, Mawala” .

Nariyan din ang gamot sa balis o pananakit ng tiyan na pinaniniwalaang nabati o nausog ng isang tao. Upang gumaling ito, kailangan lamang ang pagbubuga gamit ang luya. Itapal ito sa tiyan habang binabanggit ang mga katagang, “Matunaw, Mawala”.




Ang mga Nagpapagamot/Pasyente

Hindi maikakaila na kahit sa kasalukuyang panahon na moderno na ang kagamitang sa panggagamot, marami pa rin sa atin ang naniniwala at tumatangkilik sa mga tradisyunal na pamamaraan ng paglunas. Ang mga ito ay partikular sa mga taong hindi naman kayang maabot ang mga presyo ng mga gamot na inihahatag ng ospital. Pero base sa ilang pagtatanong, hindi naman isyu ang kawalan ng sapat na pera upang magtungo sa mga ospital ang pangunahing dahilan kung bakit tinatangkilik pa rin ng mga mamamayan partikular na sa mga taga-probinsya ang folk medicine o iyong gamit ang tradisyunal na pamamaraan. Sadya lamang na malaki ang paniniwala nila sa ganitong paglunas ng karamdaman. Sa katunayan, marami rin naman ang nagpapagamot na may kaya base sa salaysay ng mga kalahok. Lumabas din sa pagtatanong-tanong na talaga namang mabisa rin ang ganitong uri ng panggagamot minsan pa nga, mas nakapagpapagaling kaysa sa siyensya sapagkat ayon sa mga kalahok may mga sakit na gawa ng tao, kaluluwa, ispiritu at kalikasan na hindi kayang mabatid, maipaliwanag at mapagaling ng siyensya. Dagdag pa nito, ang bisa ng pananampalataya ang siyang tunay na pinanggagalingan ng kagalingan ng karamdaman at ang mga albularyo lamang ang kinasangkapan ng Poong Lumikha.


Mga Bagay na Naiambag ng mga Albularyo ng Pagbilao


Bilang mga manggagamot, babae at mamamayan ng Pagbilao, Quezon malaki ang kanilang naiambag sa kultura ng Pagbilao at sa kalusugan ng mga naging pasyente ng mga ito o mga taong tumatangkilik sa kanilang gawa at naniniwala sa kanilang kakayahan.

Bilang babaeng manggagamot, tunay na malaki ang ginampanan ng mga ito upang mahubog at maitaguyod ang lahi ng kababaihan sa Pagbilao, Quezon. Sila ay biniyayaan ng ganitong kakayahan upang makapagpagaling sa may mga sakit at makatulong sa mga taong hindi naman kayang gumastos ng malaki sa pagpapagamot gamit ang modernong pamamaraan.


Mga Bagay na Naituro ng mga Albularyo ng Pagbilao

Batay sa aking pakikipanayam sa kanila, isa na marahil sa malaking naituro sa akin ng mga babaeng manggagamot na ito ay ang matinding paniniwala sa Poong Lumikha ng lahat. Tunay na matindi ang kanilang pananampalataya sa Itaas sapagkat doon sila kumukuha ng angking kakayahan upang maisagawa ang kani-kanilang mga tungkulin. Matatandaan na lahat ng pamamaraan ng panggagamot ay may mga bulong o dasal silang sinasambit na siyang pinakamabisa sa lahat ng kagamitan sapagkat ang Panginoon ang sandigan.
Tunay na hindi matatawaran ang dedikasyon nila sa trabaho bilang mga albularyo. Matatandaan sa panayam kay Aling Veronica Sacay, matupad lamang n'ya ang kanyang tungkulin at makatulong sa mga nangangailangan, titiisin niya ang lahat ng maging kapalit nito, kahit ito pa ay ang kanyang anak.




KONKLUSYON

Base sa resulta ng pag-aaral na ito marami pa rin ang naniniwalang mga Pagbilawin sa tradisyunal na pamamaraan ng panggagamot. Sa katunayan, marami pa rin ang tumatangkilik dito. Gayundin, buhay na buhay pa rin talaga ang mga taong nagsasagawa ng ganitong pamamaraan ng paglunas sa mga karamdaman.

Lumabas sa pag-aaral na ang ganitong tradisyunal na pamamaraan ay nagpasalin-salin lamang mula sa kanilang mga magulang, kapatid at maging sa asawa. Walang nakatalang sulatin subalit ang oral na tradisyon ay buhay na buhay. Pansin din na halos kababaihan lamang naman talaga ang nagsasagawa ng ganitong pamamaraan ng panggagamot sa nasabing Bayan.

Napatunayan din ng pag-aaral na ito na hindi basehan ang katayuan sa buhay ng isang pasyenteng nais magpagamot sa mga albularyo. Hindi rin sukatan ang natamong diploma ng mga tumatangkilik dito sapagkat base sa panayam at obserbasyon ng mananaliksik, marami pa rin ang mga taong may-kaya at nakapagtapos ng pag-aaral ang naniniwala sa traditional/ folk medicine.

Sa Sikolohiyang Pilipino, ang pag-aaral na ito ay nagpapatunay na iba talaga ang paniniwala at oryentasyon ng mga Pilipino kaysa sa mga Kanluraning bansa. Dagdag pa nito, ang Pilipino ay tunay na may sariling paniniwala at kinagisnan. May sariling pamamaran ng panggagamot. May sariling kultura. May sariling kasaysayan.

Buhay na buhay ang kultura ng bansang Pilipinas, ng Bayan ng Pagbilao.


SANGGUNIAN


Libro

The Tambalan's of Northern Leyte,

Jose F. Calderon, Methods of Research and Thesis Writing, 1993
Research Method, 2000

Sociology, Culture and Family Planning, Wilfredo R. San Juan et. al, 2007
Babasahin/Lathalain

Sta. Catalina ng Alejandria: Birhen at Martir Patrona ng Bayan ng Pagbilao, Liberio K. Cortez at Pablito M. Glodoviza, 2003

Internet/Website

http://www.babaylan.net/
http://www.philippineherbalmedicine.org/
http://interfused-inc.com/clients/garimot/system/hilot-intro.htm
http://tl.wikipedia.org/wiki/Babaylan

Panayam

Gng. Basilisa Porta, Agosto 01, 2009, Sabado
Gng. Angela Pivarez-Lustado, Agosto 01, 2009, Sabado
Gng. Veronica Sacay, Agosto 22, 2009, Sabado
Gng. Rosing Orinday, Agosto 23, 2009, Linggo

1 comment:

  1. Gusto kong magkaroon ng aesthetics dibdib. Naghahanap ako para sa isang plastic siruhano sa Turkey.
    Memeestetiği

    ReplyDelete