Wednesday, March 17, 2010

KASALUKUYANG SITWASYON NG EDUKASYON SA BAYAN NI JUAN ni Reynele Bren Zafra

Sa kulturang Pilipino ang edukasyon ay maituturing na isa sa mahalagang bahagi ng pagkatao ng bawat indibidwal. Ginagampanan nito ang isa sa malaking bahagi sa paghubog ng isipan at ugali ng isang kabataan upang magkaroon ng magandang hinaharap. Kung titingnan, ito ay maituturing na pundasyon ng isang bata sa paghubog ng kanyang katauhan. Sa katunayan kung ang isang bata ay magkakaroon ng magandang edukasyon malaki ang posibilidad na makakuha siya nang maayos na trabaho na magagamit niya upang matulungan ang kanyang sariling pamilya. Dagdag pa nito, ito ay kayamanang hindi makukuha ng sinuman. Ito'y kayamanang madadala n'ya sa kanyang pagtanda. Ayon nga sa Foundations of Education, 1998 ang edukasyon ay tumutukoy ay ang pagkuha ng kaalaman, kasanayan, at tamang pag-uugali upang maging mahusay ang isang indibidwal. Hindi lamang ito isang paghahanda sa darating na bukas bagkus ito mismo ang iyong bukas (Sariling Salin).

Sa Pilipinas tunay na mahalaga ang pagtatamo ng karunungan ng isang tao sapagkat sa paniniwalang ang edukasyon ay susi upang makaahon sa kahirapan ng buhay. Subalit papaano makakaahon sa kahirapan ng buhay ang isang Pilipino kung hindi niya natatamasa ang isang edukasyong de-kalidad na dapat ay sa kanya sapagkat iyon ang itinalaga ng ating saligang-batas. Ayon sa 1987 Konstitusyon Artikulo XIV: Edukasyon, Agham at Teknolohiya, mga Sining, Kultura, at Sports Seksyon 1. Dapat pangalagaan at itaguyod ng Estado ang karapatan ng lahat ng mga mamamayan sa mahusay na edukasyon sa lahat ng antas at dapat magsagawa ng angkop na mga hakbang upang matamo ng lahat ang gayong edukasyon (Curriculum Development in the Philippine Setting, 1989).

Malinaw sa nasabing Konstitusyon na dapat pangalagaan ng Estado ang karapatan ng mga mamamayan nito sa pagtatamo ng isang mahusay na edukasyon. Subalit sa kasalukuyang panahon nasaan ang ginagawang pangangalaga ng Estado sa mga kabataan upang mahubog ang kanilang katauhan sa pamamagitan ng pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon? Nasaan ang itinadhana ng batas? Kung titingnan malayo na nga ang antas ng edukasyon ng bansang Hapon, Tsina, Thailad at Singapore kumpara sa sistema ng edukasyon sa ating bansa. Kung ang mga bansang ito'y nangunguna sa larangan ng Siyensya at Matematika sa global na kompetisyon, nasaan na ang Pilipinas? Bagamat sinasabi ng mga pag-aaral ng ilang ahensya na mataas ang literacy rate sa ating bansa pansin parin ang hindi magandang sistema ng edukasyon.

Lantad ang kakulangan at kabulukan ng sistema ng edukasyon sa ating bansa. At ang ganitong sistema ay hindi lingid sa ating lahat partikular na sa ang mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa ating bansa kung saan sila mismo ang nakararanas ng masamang sistema ng edukasyon sa bansa.

Ilan sa mga kakulangan at kabulukang ito ay ang mga sumusunod:

1.Kakulangan ng sapat na bilang silid-aralan. Dahil sa lumalaking bilang ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa bansa nagiging resulta ito ng kakulangan ng mga silid-aralan para sa mga mag-aaral. Bunga nito, siksikan ang mga mag-aaral sa isang maliit na silid-aralan kung saan pinagkakasya nila ang kanilang sarili para lamang matuto. Dagdag pa nito ang init ng panahon na nagbibigay sa kanila ng karagdagang pasanin. Sa katunayan, ang isang silid-aralan na dapat ay may laman lamang na 30-40 mag-aaral upang maging mabisa ang pagkatuto ay nagiging 60-70 mag-aaral sa isang silid-aralan. Kitang-kita ang pagtitiis ng mga mag-aaral sa ganitong sistema ng edukasyon sa bansa. Isa na ang San Pedro Relocation Center High School sa San Pedro, Laguna na taglay ang ganitong uri ng suliranin.

Ang ganitong sulirarnin ay pinatunayan ng pagkakaroon ng konsepto ni CNN Hero Efren Florida ng nagsagawa siya ng pushcart classroom. Ang sistemang ito ay isinagawa upang mabigyan ng edukasyon ang mga bata sa na hindi kayang suportahan ng pamahalaan.

2.Kawalan ng maayos na silid-aralan. Ang kawalan ng maayos na silid-aralan ay isa sa rin sa kalunos-lunos na kalagayan na nararansan ng mga Pilipinong mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa bansa partikular na sa Metro Manila. Bagamat may mga silid-aralan, ang mga ito ay maituturing na hindi condusive upang matamo ng isang kabataan ang karunungang dapat ay kanyang makuha. Walang tamang pasilidad ang bawat silid-aralan na magbibigay sana sa kanila ng isang maginhawang paligid para ganahang mag-aral. Nariyan din ang kawalan ng proper ventilation, kawalan ng malinis na palikuran o maging ang kakulangan ng maayos na mga upuan. Ang ganitong kalunos-lunos na kalagayan ay taglay ng Taguig National High School sa Taguig City, Tipas National High School at Rizal Experimental Pilot Station Cottages and Industry sa Las PiƱas City.

3.Kakulangan ng bilang ng sapat na guro. Sa isang paaralan ang mga guro ang itinuturing na pangalawang ina. Sa katunayan, ang mga guro ang nagtuturo sa mga kabataan kung paano maging isang ganap na tao sa pamamagitan ng paghubog sa kanilang puso at isipan. Subalit dahil sa kakulangan ng bilang ng mga guro sa mga pampublikong paaralan ang paghubog sa kanilang isipan ay tila mahirap sa bahagi ng isang guro. Sa katunayan ang isang guro sa mga pampublikong paaralan ay may hawak na 60 hanggang 70 na mag-aaral kumpara sa isang guro sa mga pribadong paaralan na may 20 hanggang 40 na mag-aaral. Ang ganitong kalagayan ay lantad na mula pa noong administrasyong Ramos at lalong lumalala ng pumasok ang administrayong Arroyo na hindi seryoso sa pagpapaunlad ng edukasyon sa bansa.

4.Kakulangan ng mahuhusay na guro. Upang maging mahusay ang isang mag-aaral dapat taglay rin ng mga paaralan ang pagkakaroon ng mahuhusay na guro na siyang huhubog sa isipan ng bawat kabataan. Subalit sa kasalukuyang sitwasyon kitang-kita natin na ang mga guro sa pampublikong paaralan ay tila kulang sa kaalaman ng sa kanilang asignaturang itinuturo. Ang ganitong sitwasyon ay ramdam din ng mga mag-aaral sa ilang pribadong paaralan na itinuturing subalit sa katotohanan ay hindi pa pasado ang mga guro. Sa ganitong kalagayan, paano uusad ang edukasyon sa Pilipinas? Kulang rin ang mga guro sa tamang training upang makahabol sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya. Makikita rin na masyadong tradisyonal pa rin ang kasalukuyang pamamaraan ng pagtuturo ng mga pampublikong paaralan sa bansa gayundin sa ibang mga maliliit na pribadong paaralan. Swerte na ng isang klase kung ang kanilang guro ay marunong magbukas ng kompyuter. Masakit tanggapin pero ito ang katotohanan. Sino ang dapat sisihin? Sa ganitong kalagayan ng edukasyon sa bansa sa kasalukuyang panahon, malinaw na may paglabag ang kasalukuyang gobyerno tungkol sa pagbibigay ng kagalingan pampropesyonal sa mga guro. Sapagkat malinaw sa 1987 Konstitusyon na dapat paunlarin ng estado ang kagalingang pampropesyonal ng mga guro sa pampublikong paaralan sa bansa. Subalit nasaan?

5.Kakulangan ng bilang ng sapat na libro. Dahil sa lumalaking bilang ng mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa bansa hindi na matugunan ng mga paaralan ang pagkakaroon ng mga mag-aaral ng isang libro bawat isang mag-aaral sa bawat asignatura. Ang ganitong kalagayan sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas ay lalong lumala sa kasalukuyang administrasyon. Mapalad na ang isang mag-aaral kung makakuha siya ng kumpletong bilang ng libro. Kung hindi naman, nagtitiyaga na lamang sila sa panghihiraman o ang masaklap ay hindi na lang magbabasa kung saan ang nagiging resulta ay mababang kalidad ng edukasyon. Kumbaga ang isang mag-aaral na nasa ikalimang baitang, ang kaalamang napulot ay katumabas lamang ng kaalaman ng isang mag-aaral sa ikatlong baitang.

6.Maling paggamit ng meduim of instruction. Gaya ng guro, malaki ang gampanin ng wika upang matutong mabuti ang mga mag-aaral. Wika ang nagsisilbing midyum ng mga guro upang maiparating sa mga mag-aaral ang mga aralin ng maayos at maikintal ang bawat aralin sa kanilang isipan nang magamit ito sa hinaharap. Gaya ng mga ilang bansa sa Asya at Europa, ang Pilipinas ay isang multi-lingual na bansa. Ibig sabihin, taglay nito ang higit sa isang wika. Bawat mamamayan sa isang lugar sa Pilipinas ay may kinagisnang wika. Wikang kanyang ginagamit mula sa kanyang paggising hanggang sa pagtulog. Kung gayon sanay na siya sa paggamit nito. Kaya ako'y naniniwala na hindi dapat ikulong ng mga nasa sangay ng Departamento ng Edukasyon sa kasalukuyan kung ano ang dapat na wikang gamitin sa pagtuturo ng mga aralin mula sa elementarya hanggang sekondarya.

Sa aking pananaw, hindi angkop na ipagamit ang wikang banyaga sa mga Pilipinong mag-aaral sapagkat hindi ito ang kanilang kinagisnang wika. Kung ang ilang mga katutubo ay hirap na sa paggamit ng wikang Filipino mas mahihirapan sila sa paggamit ng isang wikang hindi naman nila gamay gaya ng Ingles. Kaya makabubuting gamitin ng mga guro sa pagtuturo ang wikang sinasalita sa lugar kung saan nakatayo ang kanilang paaralan.

Hindi mali ang paggamit ng wikang banyaga gaya ng Ingles upang matuto ang mga mag-aaral subalit marapat na gamitin lamang ito sa tamang edad at sa tamang panahon. Sa katunayan, itinuturing kong mali ang pagpipilit ng kasalukuyang polisiya ng administrasyong Arroyo sa paggamit ng wikang Ingles bilang wikang panturo sa mga paaralan sa Pilipinas. Ito'y maituturing na maling hakbang upang matamo ng mga mag-aaral ang global na pagkatuto. Bakit ba hindi na lamang pagtuunan ng pansin ang pagpapaunlad ng wikang Filipino? Ito'y ating wika. Kaya dapat na ito'y ating nililinang. Patunay rito ang mga kalapit bansa natin sa Asya na hindi gumagamit ng wikang Ingles subalit kitang-kita ang kanilang kahusayan sa Matematika, Siyensya, Ekonomiya at iba pa. Muli, hindi sagot sa pagpapaunlad ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas ang paggamit ng wikang hindi sinasalita ng pangkaraniwang Juan dela Cruz. Kung patuloy na ipagpipilitan ang paggamit ng wikang Ingles sa pagtuturo, malamang mahihirapan ang mga mag-aaral na matamo ang pagkatuto. Tandaan na mas mainam na matutuhan ng mga mag-aaral ang nilalaman ng aralin kaysa matutuhan nila ang wikang Ingles.

7.Kawalan ng mga kagamitang panteknolohiya sa pagtuturo. Sa kasalukuyang panahon kompyuter na ang kalimitang ginagamit ng mga tao mula sa iba't-ibang larangan upang magkaroon nang mabilis na transakyon at upang makahabol sa global na pagkatuto. Ang Japan, Korea at Singapore ay ilan lamang sa mga kalapit bansa ng Pilipinas na nagkaroon ng programang paunlarin ang sistema ng edukasyon sa kanilang bansa sa pamamagitan ng pagtuturo kung paano gumamit ng kompyuter o ng makabangong teknolohiya. At kung paano ang mga nasabing teknolohiya makatutulong sa pagtatamo ng pagkatuto. Bagamat ang mga pampublikong paaralan sa Pilipinas ay nakisabay sa ganitong sistema, hindi pa rin ito masasabing matagumpay. Sa katunayan, marami pa rin sa mga nagtapos ng sekondarya sa mga pampublikong paaralan sa bansa ang hindi marunong gumamit ng simpleng Microsoft Word o simpleng presentasyon sa kompyuter. Ang malalala pa nito, may mga guro rin na hindi marunong gumamit ng nasabing teknolohiya at nakokontento na lamang sa tradisyunal na pamamaraan ng pagtuturo. Subalit hindi mo naman pwedeng masisi ang kaguruan sapagkat ang ganitong pangyayari ay kakulangan ng Kagawaran ng Edukasyon sa kasalukuyang administrasyon na magbigay ng mahusay na pagsasanay sa paggamit ng makabagong teknolohiya sa pagtuturo.

8.Kakulangan ng sapat na pondo sa edukasyon. Ang mga nabanggit na kakulangan o kabulukan ng sistema ng edukasyon sa bansa ay nag-uugat sa mababang pondo ng edukasyon sa ating bansa partikular na sa kasalukuyang administrasyon. Bagamat sinasabi sa 1987 Konstitusyon ng Pilipinas na dapat ang edukasyon ang may pinakamataas na pondo sa lahat ng departamento ng pamahalaan, ito ay hindi nangyari. Bakit? Baka dahil kaya sa ang kasalukuyang Administrasyon ay abala pangungurakot?

Ang mga bagay na ito ay ilan lamang sa mga problema o pagkukulang sa edukasyon sa bansa na lantad na sa ating lahat. Ang ganitong sistema ay maaring mananatili sa mga susunod na taon kung ang mga nanunungkulan sa gobyerno ng Pilipinas ay patuloy sa pagbabalewala sa pagbibigay ng karampatang lunas sa bulok na sistemang ito at kung tayong mga Pilipino ay mananatili sa pagiging pipi at bulag sa sitwasyon ito. Magkaganoon, pa man, malaki ang aking paniniwala na ang sistema ng edukasyon sa bansa ay magiging mahusay at mananatiling mahusay sapagkat minsan nanguna rin tayo sa mga karatig bansa natin sa Asya. Iyon nga lamang ay kung ang mamumuno sa pamahalaan ay may tunay na pagpapahalaga sa edukasyon at hindi lamang nakapokus sa pagpapataba ng bulsa.

No comments:

Post a Comment