Tuesday, February 2, 2010

TULI SA PUKPOK: KULTURANG PILIPINO, TRADISYONG PAGBILAWIN

(Ang pag-aaral na ito ay nalathala sa ALINAYA. Ang opisyal na Newsletter ng Departamento ng Filipino, Kolehiyo ng Malalayang Sining, Pamantasang De La Salle-Maynila)


PANIMULA

Marahil kakaunti pa lamang ang mga nagawang pag-aaral o pananaliksik tungkol sa tuli. Sa kulturang Pilipino nagsisimulang magpatuli ang mga bata sa edad 10 pataas o iyong mga nasa elementarya pa lamang. Mga batang nagsisimula ng magbinata. Alam naman nating lahat na sa kulturang Pilipino ang pagpapatuli ay isang mahalagang bagay na dapat pagdaanan ng mga batang nasa ganoong edad. Ito ay maituturing na isang oryentasyon upang maihanda ang mga batang Pilipino sa pagiging isang ganap na lalaki. Sa Pilipinas, mayroon tayong tradisyunal na pamamaraan ng pagtutuli. Para sa mga Pilipino malaki ang gampanin ng pagpapatuli sa pisikal at sikolohikal na bahagi ng pagkatao ng isang indibidwal. Kabuuang layunin ng pag-aaral na ito ang malaman ang pisikal at sikolohikal na sanhi at bunga ng pagpapatuli sa tradisyunal na pamamaraan para sa mga Pilipinong lalaki na nakaranas nito. Gayundin, ang rason kung bakit marami pa rin mga Pilipino ang naniniwala sa pamamaraang ito ng pagtutuli.

Kahulugan ng Pagtutuli

Ayon sa (http://medical-dictionary.thefreedictionary.com/circumcision) ang pagtutuli ay pagtatanggal o pag-aalis ng “foreskin” o ang balat na bumabalot sa punong ulo ng ari ng lalaki (penis). Maaring isagawa ito sa iba't-ibang dahilan. Posibleng sosyal, kultural/relihiyon at medikal. Subalit sinasabi na ang pagtutli ay hindi dapat gawin kung ang ari ng batang lalaki ay mayroong kapansanan.

Sa modernong panahon masasabing madali na ang pagtutuli sa isang batang lalaki sapagkat taglay ng yugtong ito ang makabagong teknolohiya sa pagtutuli. Gaya ng anesthesia o pampangimi upang maibsan o hindi maramdaman ang sakit. Magkaganoon pa man, hindi lingid sa ating kaalaman na maraming tao na galing sa iba't-ibang lahi ang nakaranas ng tradisyon na pamamaraan ng pagtutuli bago pa ipakilala ang modernong pamamaraan ng pagtutuli. Gaya sa Pilipinas mayroon tayong tinatawag na tuli sa pukpok. Ito ay isang tradisyunal na pamamaraan ng pagtutuli. Kadalasan ito ay isinasagawa ng isang manunuli.


Kasaysayan ng Pagpapatuli


Bagamat hindi tiyak kung saan nagmula ang tuli (circumcision). Ayon kay Sir Elliot Smith, isang “English Egyptologist” ang tuli ay nagmula sa “Heliolithic Culture” 15,000 taon na ang nakakaraan kung saan ginaya ng ibang kultura. Samantala, naniniwala naman ang iba na ang pagtutuli ay umusbong sa pamamagitan ng sariling kultura at hindi impluwensya ng ibang kultura. Sinasabi na ang pagpapatuli ay nagsimula bilang isang gawain sa mga banasa gaya ng Africa at malapit na Silangan sa pamamagitang ng mga Australian Aborigines at mga Muslim sa Timog-Silangang Asya.


Maraming haka-haka kung bakit nagpapatuli o dapat magpatuli ang isang lalaki. Ayon sa (http://en.wikipedia.org/wiki/History_of_male_circumcision) (1) ang pagpapatuli ay itinuturing na isang pagsasakripisyo para sa isang relihiyon, (2) para sa iba ito naman ay itinuring na isang yugto na dapat mapagdaanan ng isang batang lalaki para maihanda sa tinatawag na adulthood o panahon ng pagbibinata, (3) samantala sa iba ito, ang isang lalaking tuli ay makadarama ng kakaibang kasiyahan sa pakikipagtalik, (4) simbolo rin ito ng isang kalinisan sa pangangatawan, (5) nagbibigay ng karagdagang pang-akit para sa mga kababaihan, (6) pagpapakita na ang isang tao ay kayang malampasan ang isang sakit (pain), (7) panapat sa mga babaeng nakararanas ng buwanang-dalaw (monthly period) at (8) may mga pag-aaral na ang mga lalaking tuli ay malaki ang tyansa na mabawasan ang posibilidad na magkaroon ng HIV, isang virus na sanhi ng pagkakaroon ng sakit na AIDS.

Bagamat, sa kasalukuyang panahon ang tuli ay gingawa na sa iba't-ibang bansa na mayroong iba't-ibang kultura, sinasabi na ito ay nagsimula bilang isang anyo ng sining (art form) sa bansang Ehipto. Kung saan nakita sa puntod na ginawa para kay Ankhmabor in Saqqara taong 2400 Bago kay Kristo. (http://www.d.umn.edu/~mcco0322/history.htm)


Malinaw rin na ang pagpapatuli ay maaring nagsimula sa iba't-ibang kultura na may iba't-ibang dahilan. Marahil bawat bansa o saan mang panig ng mundo may iba't-ibang pamamaraan kung paano tulian o matulian ang isang lalaki. Subalit may mga bansa rin naman na ang pagpapatuli ay hindi gaano binibigyang halaga partikular na sa mga bansa sa kontinente ng Europa.

Ang Tuli sa Iba't-ibang Relihiyon

Relihiyong Hudyo

Sa aklat na isinulat ni David L. Gollaher, Circumcision: A History of the World's Most Controversial surgery, sinasabi na ang pagtutuli ay hiniram ng mga Hudyo sa mga taga-Ehipto sa pamamagitan ni Moses na umalis sa Ehipto. Si Moses noon ang itinuturing na “Ama ng Tradisyong Jewish kung saan siya ay hindi tuli subalit ipinatupad niya na dapat lahat ng kanyang tagasunod ay tuli.Dahil dito naniniwala ang iba na hindi tinanggap si Moses sa langit. Sinasabi na ang tuli ay nag-ugat sa talino ng mga taga-Ehipto. Sa bansang ito, ang pagtutuli/tuli ay isang ritwal na isinasagawa upang maging ganap na lalaki ang isang kabataan/bata kung saan pinapayagan silang tanggapin ang “divine mysteries”. Bagamat, may mga iskolar na nagsasabi na ang pagtutuli ay limitado lamang sa mga mayayaman o elitista partikular na ang mga pari at pharaohs, naniniwala ang iba na ito ay hindi totoo. Para sa mga taga-Ehipto ang pagtutuli ay isang metodo ng paglilinis o purification.


Sa Torah, pinakabanal na aklat ng relihiyong Judaism, sinabi ng Panginoon kay Abraham na ang pagtutuli ay parte ng pangako ng tao sa Diyos. Sa pagiging tuli, ipinangako ng Diyos sa mga Jewish ang kasiguraduhan ng pagkakaroon ng anak. Nagsisilbi rin itong simbolo ng isang tribu. Marami rin tao ang naniniwala na ang pagtutuli ay mabuti sa kalusugan at isang natural na pamamaraan. Binanggit ang tungkol sa pagtutuli sa Lumang Tipan, subalit malabo kung papaano ito gawin at kung anong edad nararapat ipatupad. Subalit noong panahon ni Moses, kutsilyo ang ginagamit upang isagawa ang pagtutuli sa mga kalalakihan na nasa panahon na nang pagbibinata.

Relihiyong Kristyanismo

Dati nang itinalaga ng relihiyong Kristiyano ang pagtutuli para sa mga lalaki. Subalit ito ay tinutulan ito ni Evangelist Paul. Sinabi niya na ang pagpapatuli ay hindi naman nararapat. Sa kasalukuyang panahon, maraming Kristiyano ang hindi nagsasagawa ng ganitong tradisyon o operasyon (tuli) sa paniniwalang ito ay may bahid ng pagka Hudyo kung saan ang mga Hudyo ay pinaniniwalaang walang halaga at hiwalay sa karamihan. Sa puntong ito, naniniwala ang mga Krisyano na hindi sapilitan ang pagpapatuli para sa mga bata.

Relihiyong Islam

Bagamat hindi binanggit sa Koran ang tungkol sa pagpapatuli ng isang batang lalaki, nagkaroon pa rin ito ng mahalagang parte/bahagi sa tradisyong Islam. May mga naniniwala nga na ipinanganak si Muhammad ng tuli upang makilala bilang isang Propeta sapagkat ginawa ni Allah (Diyos ng mga Muslim) ang pagpapatuli bilang isang simbolo ng pagiging perfekto. Sapagkat nabanggit sa Lumang Tipan ang tungkol sa tuli, minabuti ng mga Muslim na ito ang mas paniwalaan bilang isang tekswal na ebidensya. Pinananiniwalaan din na ang lalaking hindi tuli ay hindi makakapunta o makakapaglakbay sa Mecca-isang banal na lugar para sa relihiyong Islam.

PAMAMARAAN

Lugar ng Pag-aaral

Bumalik ang mananaliksik sa kaniyang bayan upang isagawa ang pag-aaral. Ito ang bayan ng Pagbilao sa Lalawigan ng Quezon. Sa nasabing bayan dalawang Barangay ang napili ng may-akda na siyang pagkuhanan ng mga kalahok sa pag-aaral na ito. Ito ang mga Brgy. Mayhay at Brgy. Castillo. Pinili ng mananaliksik na ito ang maging lugar para sa pag-aaral sapagkat gamay na niya ang kaugalian, katangian, wika at pamumuhay ng mga taga-Pagbilao sapagkat siya ay lumaki rito sa loob ng 18 taong.


Ang Bayan ng Pagbilao ay may apat na oras ang byahe kung magmumula sa Maynila ang bibisita rito. Matatagpuan sa hilagang baybayin ng Tayabas Bay at silangang bahagi ng Lungosd ng Lucena na siyang kabisera ng Lalawigan ng Quezon. Simple ang pamumuhay ng mga taga-rito subalit hindi na naman nalalayo sa makabagong mundo sapagkat mayroon na ditong internet at telephone koneksyon. Sa katunayan ito ay isa sa mga “first class municipality” sa Lalawigan ng Quezon. Binubuo ito ng dalawampu't pitong baragay (27). Ayon sa sensos noong taong 2007, ito ay may populasyon na 62,561 katao.

Maraming Katoliko sa bayang ito subalit mayroon ding ibang relihiyon gaya ng Iglesia ni Kristo, Dating Daan, Saksi ni Jehovah at ilang Islam. Matatagpuan din dito ang isa sa pinakamalaking planta ng kuryente sa bansa.

Kalimitan, pagsasaka ang trabaho ng mga tao rito partikular na ang mga nasa linang. Ang iba naman ay mga nagtitinda sa palengke, nag-oopisina, o hindi kaya ay lumuluwas ng Maynila upang doon magtrabaho. Masasabing ang kultura at tradisyon ay buhay na buhay pa sa bayang ito, gaya ng Pabasa sa panahon ng kwaresma, Pagprusisyon tuwing Mahal na Araw, Kapistahan ni San Isidro Labrador, Pistang Bayan na ipinadiriwang tuwing ika-25 ng Nobyembre at iba pa. Gayundin ang tradisyonal na pamamaraan ng paggagamot ang hilot at pagsusuob o pagtatawas.

Metodolohiya


Pakikisangkot. Sa mga araw ng pananatili ng mananaliksik sa Bayan ng Pagbilao hindi naiwasang makisangkot siya sa mga tagarito lalo na sa mga napili niyang partisipante. Nakikipagkwentuhan siya sa mga ito, halimbawa kung ano na ba ang mga bali-balita sa kanila. Kamusta na ba ng Pagbilao at iba pang mga bagay na sa tingin niya ay makakatulong sa kanya upang maging palagay ang loob ng mga napili niyang kalahok. Sa umaga madalas siyang makipag-usap sa mga tagaroon. Inilapit niya ang kanyang sarili, sapagkat alam niya na ang turing pa sa kanya ng mga ito ay ibang tao bagamat dati na rin niyang mga kakilala ang mga tagaroon. Dahil sa pakikisangkot niya, naging malalim o nagkaroon ng panibagong pundasyon ang kanyang pakikisama sa mg taga-Pagbilao, partikular na sa mga naging kalahok.

Pagmamasid. Nagamit din ng mananaliksik ang ganitong pamamaraan sa pananaliksik na maka-Pilipino. Sa puntong ito, napagmasadan mismo ng mananaliksik ang proseso ng ganito uri ng pagtutuli (tuli sa pukpok). Bukod sa pagtatanong na ginawa niya kay Manong Romeo, nakita niya mismo ang mga kagamitan at proseso ng pagtutuli. Bukod dito, napagmasdan din ng mananaliksik ang pakiramadam ng isang lalaking tutulian bago at matapos maganap ang nasabing proseso.Ang pamamaraang ito ay lubos na nakatulong upang maging malinaw sa mananaliksik ang mga bagay'bagay tungkol sa “tuli sa pukpok”.

Pagtatanong-tanong. Isa sa mga metodo na ginamit ng mananaliksik upang makakuha ng sapat na datos sa mga kalahok o partisipante. Ang ganitong katutubong pamamaraan ay ginagawa na ng mga sikolohistang Pilipino upang matamo ang isang maka Pilipinong pamamaraan. Bilang patunay, ito ay ginamit na ni Lydia F. Gonzales bilang isang paraan sa pagkuha ng datos tungkol sa pag-aaral niya sa Pagtatanung-tanong: Dahilan at Katangian (Sikolohiyang Pilipino, Teorya, Metodo at Gamit, 1995).

Sa pag-aaral na ito, binanggit niya ang pitong aspeto ng pagtatanung-tanong. (1) layunin, (2) katangian ng nagtatanong, (3) pook, (4) pagkakataon, (5) panahon, (6) mga taong pagtatanungan at (7) pamamaraan ng pagtatanong. Tandaan na hindi maaring ihiwalay ang isa sa iba. Mahalaga ang kabuuan ng pitong aspeto ng pagtatanong ( Lilia F. Antonio et. Al, Sikolohiya ng Wikang Filipino, 2003).

Sa pamamaraang ito, hindi naman gumamit ang mananaliksik ng tinatawag na “interview guide”. Subalit, malinaw niyang ibinigay o itinanong ang mga bagay-bagay na makatutulong sa pag-aaral na ito. Sa pamamaraan ng pagtatanong, iba ang naging istilo niya sa mga binatilyong kalahok at sa mga magulang ng mga ito. Kumbaga'y iniakma niya ang pagtatanong batay sa edad ng kanyang tinatanong o kinakausap. Ito ay bilang tanda ng paggalang sa mga kausap niyang mas may-edad kaysa sa kanya sapagakat isa sa mga mabubuting katangian ng mga Pilipino ang maging magalang sa nakatatanda.


Paglalahad

Sa pag-aaral na ito nanatili ang mananaliksik sa bayang ng Pagbilao sa loob ng limang araw upang makakuha ng mga impormasyon sa kanyang isinasagawang pag-aaral. Minabuti ng mananaliksik manuluyan muna sa tahanan ng kanyang lola kung saan doon din sya lumaki.

Unang tinanong ng mananaliksik ang kanyang lola at ina. Ipinabatid niya ang kanyang pakay bukod pa para makita o madalaw sila. Doon ipinaliwanag niya ang kanyang pag-aaral na nais isagawa. Malugod naman nakinig at nagbigay ng impormasyon ang kanyang ina. Nagbigay ang kanyang lola at ina ng mga posibleng sasagot sa ilang tanong ng mananaliksik na may kinalaman sa pag-aaral. Naging positibo naman ang lahat.

Gamit ang kanyang abilidad na makisangkot sa mga taga-Pagbilao, nagtagumpay ang mananaliksik na makakuha ng mga kalahok. Sa pananamit, simple lamang ang kasuotan ng mananaliksik, sa katunayan nakasuot lamang ito ng tipikal na pambahay na madalas niyang suot subalit sinigurado niyang ito ay malinis upang maging kaayaaya sa mga kalahok. Sa panahon/oras tinitiyak ng mananaliksik na ang mga kalahok ay walang gaanong gingawa ng mga oras na iyon. Madalas mga araw ng Sabado at Linggo kung magtungo ang mananaliksik sa mga bahay ng kalahok. Iyong tipong tapos na ang oras ng eskwela o walang klase. Kadalasan matapos ang tanghaliaan. Iyong panahong nagpapahinga na ang mga kalahok o nanonood ng telebisyon. Kasama niya ang kanyang ina na nagsilbi rin tagapag-ugnay o “go between” sa mananaliksik at mga kalahok. Nabigyan din ng pagkakataon ang mananaliksik na makamusta ang kanyang mga naging kapitbahay sa bayan ng Pagbilao, dahil dito naging maganda ang pagsang-ayon ng mga kalahok na sumagot sa mga taong ng mananaliksik.

Bilang mga Pilipino, nagbigay galang ang mananaliksik sa kanyang mga kalahok lalo na sa mga nakatatanda sa kanya. Nagpapakilala muli ng sarili sapagkat medyo matagal na rin na hindi nakakauwi ang mananaliksik sa kaniyang bayan. Bumabati rin ang mananaliksik sa mga kalahok. Gumamit din ng pakiramdam, upang magkaroon ng mahusay na tanungan sa pagitan ng tagabatid at mananaliksik. Sa bawat pagtatapos ng tanungan, hindi kinakalimutan ng mananaliksik ang magbigay ng pasasalamat sa mga kalahok.


Kalahok/Partisipante

Walo ang kalahok o partisipanteng nakalap na siyang nagbibigay ng mga impormasyon upang makakuha ng sapat na kaalaman ang mananaliksik para sa ikauunlad ng pag-aaral. Ang mga ito'y lalaki na may edad sampu (10) hanggang labinganim (16). Mga edad kung saan nararapat tulian ang isang Pilipinong lalaki.

Nagsilbi ring partisipante ang mga magulang ng mga batang ito kung saan nagbigay rin sila ng mga mahahalagang impormasyon na makatutulong sa pagbuo ng papel na ito. Gayundin, nagawa ring tanungin ng mananaliksik ang mismong tao na gumagawa ng pagtutuli o manunuli. Lubos na nabigyan ng sapat na kaalaman ang mananaliksik sa puntong ito.

Ang mga naging kalahok sa pag-aaral na ito ay mga taga-Pagbilao, isang bayan sa lalawigan ng Quezon. Minabuti ng mananaliksik na piliin ito sapagkat siya ay lumaki rito sa loob ng labingwalong taon. Sapat na taon upang malaman niya ang ugali at oryentasyon ng mga batang naninirahan dito. Mahusay ang ganitong oryentasyon para sa naging pag-aaral sapagkat naging madali sa mananaliksik na makakuha ng mga kalahok na siyang nagbigay linaw sa pag-aaral.


KINASAPITAN

Sa pag-aaral na ito binigyang pakahulugan ni Manong Romeo Glorioso, 63 taong gulang-isang sikat na manunuli sa bayan ng Pagbilao, ang pagtutuli bilang paghahanda sa mga batang lalaki tungo sa pagiging isang tunay na lalaki. Walang pormal na pag-aaral kung bakit natutong magtuli si Mang Romeo. Ayon sa kanya, ang pagmamasid-masid lamang sa pagtutuli ang naging sandata niya upang siya ay matuto ng ganitong tradisyunal na pamamaraan. Binanggit din niya na ito ay isang tradisyong Pilipino kung saan nagpasapasa na sa iba't-ibang henerasyon. Sa pagtutuli, dito hinihiwa ang lambi (foreskin) ng ari ng isang lalaki upang lumabas ang ulo nito. Sa ating bansa kadalasan tuwing Marso, Abril o Mayo nagaganap ang tradisyunal na pagtutuli sapagkat ito ang mga buwan kung saan bakasyon (summer vacation) na ang mga bata sa klase. Dinagdag din niya na ang tuli sa pukpok ay isang tradisyunal na pamamaraan ng pagtutuli sa isang bata/binatilyong lalaki sa Pagbilao.


Kagamitan sa Tradisyunal na Pagtutuli ayon kay Mang Romeo Glorioso

  1. Lukaw- ito ay matulis na bagay na karaniwang gawa sa kahoy ng bayabas. Dito isinusuot ang dulo ng ari ng lalaking tutulian.

  2. Yelo- kung walang ilog o dagat sa lugar na pagtutulian pwede rin ang yelo. Ito nagsisilbing pangimi sa ari ng lalaki upang hindi maramdaman masyado ang sakit.

  3. Putpot- isang maliit na telang puti na may karaniwang sukat, may butas sa gitna kung saan dito isinusuot ang ari ng lalaki matapos tulian. Nagsisilbing pang-ampat ng dugo.

  4. Mertayulet- gamit upang maiwasan ang impeksyon.

  5. Dahon ng Bayabas- kadalasang nginunguya ng mga batang lalaking tutulian. Matapos nguyain ito ay iluluwa sa mismo nilang ari upang magsilbing gamot.

  6. Labaha- isang uri ng kutsilyo kung saan ipinanghihiwa o pinupukpok sa ari ng lalaki.

  7. Pampukpok- bagay na gawa sa kahoy. Nagsisilbing pamukpok sa labaha.


Proseso sa Tradisyunal na Pagtutuli ayon kay Mang Romeo Glorioso


  1. Ibabad ang ari ng lalaki sa yelo upang ito ay mangimi. Ito ay ginagawa upang maibsan ang sakit na maaring idulot ng pukpok.

  2. Nguyain ang mga dahon ng bayabas.

  3. Ilagay ang ulo o dulo ng ari ng lalaki sa lukaw.

  4. Kunin ang labaha at pukpukin ang lambi ng ari ng lalaki upang mahati ang lambi nito at lumabas ang ulo. (Nakasalalay ang bilang ng pukpok, depende sa lambot at kunat ng lambi ng ari ng batang lalaki).

  5. Pagkatapos, lagyan ng mertayulet upang malinis ang sugat.

  6. Matapos, ilagay ang pupot upang maampat ang pagdurugo.

Matapos ang proseso, kailangan gamutin ito upang mabilis na gumaling ang sugat sa ari ng lalaki. Kailangan itong langgasan sa umaga at gabi.


Kagamitan sa Paggagamot sa Tradisyunal na Pagtutuli (Ayon kay Mang Romeo Glorioso)

  1. Dahon ng Bayabas

  2. Mainit na tubig

  3. Putpot

  4. Bagay na kinuskos sa bao ng niyog


Proseso ng Paglalanggas sa Bagong Tuli ayon kay Mang Romeo Glorioso

  1. Mag-init ng tubig.

  2. Kapag kumukulo na ang tubig, ilagay ang mga sariwang dahon ng bayabas, hayaan kumatas sa tubig.

  3. Matapos ito, hayaang lumamig muna ng sandali ang dahon ng bayabas bago langgasan ang ari ng bagong tuli.

  4. Matapos ang paglalanggas, lagyan ito ang bagay na kinuskos sa bao ng niyog. Magaling itong pampatuyo ng sugat.

  5. Matapos ang lahat, ilagay na ngayong ang malinis na pamputpot.


Dagdag pa ni Manong Romeo na ang sugat ay maaring gumaling sa loob ng apat hanggang pitong araw. Nang tanungin ng mananaliksik kung bakit mas maganda ang tuli sa pukpok, nagbigay siya ng ilang mga bentahe.


  1. Mahusay ang tuli sa pukpok sapagkat hindi na ito bumabalik pa sa dating kalagayan (supot) hindi gaya ng tuli gamit ang modernong operasyon o surgical operation.

  2. Tanggal din ang “kupal”. Ito ay isang mabaho o dumi sa loob ng lambi ng ari ng lalaki. Hindi gaya sa makabagong pamamaraan na may maaari pang may matirang “kupal”.

  3. Ito ay praktikal para sa mga ordinaryong Pilipino.Hindi na kinakailangan pa ng malaking salapi (Php 700-1000) para isagawa ito.

  4. Hindi napuputulan ng litid ang ari ng lalaki. Dahil dito naiiwasan ang matinding pagdurugo.

Sa loob ng tatlumpot-walong taon niyang pagtutuli, wala pang nadisgrasya si Mang Romeo sa pamamaraang pukpok.

Nang tanungin ang walong bata/binatilyong mga kalahok kung bakit kailangan magpatuli ang isang batang Pilipino, nagkaisa ang mga ito na upang maging isang ganap at tunay silang lalaki. Lahat sila ay sumang-ayon sa ganitong kasagutan. Lumabas din sa pag-aaral na isa sa mga dahilan din ng pagpapatuli nila sa pukpok ay upang hindi tuksuhin ng mga kaibigan partikular na ang mga kababaihan. Nariyan din ang mga paniniwalang kapag nagpatuli sila sa pukpok, sila ay tatangkad


Samantala, para sa mga ina ng mga kalahok na bata/binatilyo, ito ay isa ng tradisyong Pilipino. Kinagisnan na at kailangang magpatuloy. Ayon din sa mga kalahok, pinili nila ang tuli sa pukpok sapagkat maganda ang tuli dito. Tatlo ang nagsabi sa mga kalahok, na dito mo masusubukan ang tapang sapagkat wala naman itong anesthesia hindi gaya ng tuli sa lisensyadong doktor. Samantala lima ang nagsabi na makasisigurado kang mainam ang tuli sa pukpok sapagkat hindi na ito babalik pa sa dati hindi gaya ng tuli sa doktor. Para sa mga magulang, pinatulian naman nila ang kanilang anak sa tradisyunal na pamamaraan sa pagiging praktikal na kadahilanan. Halos lahat binanggit na praktikal ang pagpapatuli sa pukpok, sapagkat pwede na ang isang kaha ng sigarilyo bilang pampalubag loob sa manunuli. Hindi gaya ng sa doktor na kailangan mong magbayad ng pitong daan hanggang isang libong piso.


Mga Bentahe ng Tuli sa Pukpok Para sa mga Naging Kalahok

  1. Nakatitipid sa pananalipi kapag tradisyunal na pamamaraan ang ginamit. Hindi gaya ng tuli, gamit ang modernong operasyon. Magastos.

  2. Mas maganda ang pagkakatuli sa pukpok sapagkat mabilis gumaling ang sugat. Hindi gaya ng tuli, gamit ang modernong operasyon. Tumatagal ng dalawang linggo.

  3. Mahusay ang tuli sa pukpok sapagkat talagang malilinis ang ari ng lalaking tinulian. Tanggal ang “kupal” o dumi sa ari ng lalaki.

  4. Maayos ang pagkakatuli sapagakat walang sobrang lambi o “foreskin”. Hindi gaya ng tuli, gamit ang modernong operasyon may lambi pa rin natitira sa ari ng lalaki.

  5. Makasisiguro na hindi na maaaring bumalik pa sapagkakasupot. Hindi gaya ng tuli, gamit ang modernong operasyon, may mga pagkakataon na maaring bumalik sa pagka-supot.


Mga Pisikal at Sikolohikal na Pagbabago na Naganap para sa mga Nagpatuli sa Pukpok

  1. Nakaramdam ng pagtangkad.

  2. Lumagong ang kanilang boses.

  3. Nahubog ang kanilang tapang.

  4. Nagkaroon ng tiwala sa sarili na kaya nilang lagpasan ang isang bagay.

  5. Hindi na sila nahiyang makipagkwentuhan tungkol sa maseselang bagay. Hindi gaya kung supot pa, maaring tuksuin.

  6. Lumakas ang loob ng manligaw sa isang babae.

  7. Naging ganap at tunay ang pagkalalaki.


INTERPRETASYON

Base sa mga sagot ng mga tagabatid, masasabi ng mananaliksik na ang pagtutuli sa tradisyunal na pamamaraan (tuli sa pukpok) ay isang kulturang Pilipino. Kulturang Pagbilaoin na nagpasalin-salin mula noong sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan. Bagamat nauuso na sa kasalukuyang panahon ang pagtutuli gamit ang modernong paraan (makasiyensya) partikular na sa mga lungsod napatunayan ng pag-aaral na ito na hindi pa rin kumukupas ang tradisyunal na pagtutuli sa mga kabataang Pilipino.

Lumabas din sa pag-aaral na ito na ang pagiging isang tunay na lalaki ay isa talagang katangian pinahahalagahan ng mga kalalakihan sa ating bansa. Tunay na ang isyung ito ay maselan para sa kanila. At ang pagpapatuli ang isa sa mga nakikita ng mga ito (kalahok) bilang pagpapatunay na sila ay isang ganap na lalaki. Pero aminin man natin ito o hindi, hindi pa rin sapat na maging basehan ito sapagkat mahigit na dapat nating pahalagahan ang ating ugali at kakayahan para maituring na ganap tayong lalaki. Isang halimbawa nito ay ang pagbuhay ng ating pamilya.

Batid din ng mananaliksik na kinatatakutan ng isang batang Pilipino ang hindi pagpapatuli sapagkat maaring sila ay lokohin lalo na ng mga kababaihan. Nahihiya sila kapag ganito ang nangyari.

Tunay, mahalag sa mga Pilipino ang sasabihin nang iba sapagkat tayo ay may puso at hindi ganoon kaliberal gaya ng kulturang kanluranin. Sa atin, mahalaga ang iniisip ng ating kapwa.


SANGGUNIAN

LIBRO

SIKOLOHIYANG PILIPINO, Teorya, Metodo at Gamit, Rogelia Pe-Pua, 1995.

Sikolohiyang Pilipino: Pamana ni Virgilio G. Enriquez, Rogelio Pe-pua at Elizabeth Protacio-Marcelino, 2002

Lilia F. Antonio et. Al, Sikolohiya ng Wikang Filipino, 2003

David L. Gollaher, Circumcision: A History of the World's Most Controversial Surgery


INTERNET

http://en.wikipedia.org/wiki/History_of_male_circumcision

http://www.d.umn.edu/~mcco0322/history.htm

http://medical-dictionary.thefreedictionary.com/circumcision



10 comments:

  1. Thesis ba eto? Naku Bren ah... Ndi ko alam may balak ka palang mag-albularyo kaya ka nag-masters...

    ReplyDelete
  2. Hehehehe. Hindi pa naman ito tesis bro. Bale ito ay isang pag-aaral ng lokal na kasaysayan sa aming bayan, ang Pagbilao. Ito'y isa sa aking pamamaraan upang maipakita na ang aking kinalakihang bayan ay may aking kultura at kasaysayan.

    ReplyDelete
  3. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  4. Hai!I'm Cindy(Contributor,http://ourhappyschool.com/)it was a nice page. I learned that circumcision do not only measure how brave a man is, besides it also have different roles in religion, hygiene and life of a man. We should be aware for the importance of it.

    ReplyDelete
  5. hindi pa ako nagaling 2 weks na e

    ReplyDelete
  6. Ang Hindu Buddhist at ilang kristiyano s buong mundo Hindi tuli except s pilipinas... Bansang nagpapatuli ang mga kalalakihan.... N walng kinalaman s religion... Sa malaysia mga babaeng Muslim tinutuli...at mga Hindu Christian Buddhist sa bansang ito ay Hindi tuli

    ReplyDelete
  7. Ang Hindu Buddhist at ilang kristiyano s buong mundo Hindi tuli except s pilipinas... Bansang nagpapatuli ang mga kalalakihan.... N walng kinalaman s religion... Sa malaysia mga babaeng Muslim tinutuli...at mga Hindu Christian Buddhist sa bansang ito ay Hindi tuli

    ReplyDelete
  8. Play Casino site - Lucky Club
    Casino Sites with a great selection of popular games - No Deposit Slots - Mobile Casino ✓ 카지노사이트luckclub Free Spins ✓ Jackpot Slots ✓ Online Casino! Play at

    ReplyDelete
  9. How to Play Roulette and Win at Roulette - Grizzly Casino
    Roulette is a classic variation on 양방 배팅 the classic game 강원랜드쪽박걸가격 of roulette. Players are given four cards, with the number kbo분석 of bets on 승인전화없는 사이트 selected side of 온라인 슬롯 the table

    ReplyDelete